Oo, alam ko na tayo’y alikabok lamang
Sa dambuhalang karagatan ng kalawakan
Nanliliit sa kaparangan ng mga talang
Sumasaklaw sa buong santinakpan
Ngunit, bakit sa tuwing pumapatak ang ulan
Bakit sa tuwing ikaw ay iniibig
Ako’y nalulunod sa bagyong, lulan
Ang bigat ng ating daigdig
Oo, alam kong saysay ng nadarama
Ay dagitab lamang kumpara
Sa silakbo ng apoy na sumusunog sa
Libo-libong planeta at mga tala
Ngunit, bakit kahit na nalalaman ko
Ang katiting na halaga ng hapdi sa dibdib
Bakit, bakit natutunaw pa rin ako
Bakit ang sakit-sakit parin umibig