Ang buhay nga naman daw ay parang bata, minsan masaya, minsan malungkot, minsan masungit, pero kadalasan ay mapaglaro.
Umaga na naman. Di tulad ng ibang mga araw, di hamak na mas maaga akong nagising ngayon. Bumangon na ako sa aking kinahihigaan at nagsipilyo. Matapos ay nagtimpla muna ng kape at lumabas. Sa may balkonahe ako umupo at doon nagmasid-masid. Madilim-dilim pa ang kalangitan at mainit-init pa ang hinihigop kong kape, saktong saktong pananggal ng lamig. Sa labas, makikita pa lang ang mga gumagayak upang maglako ng pandesal at ang mga nagbubukas pa lamang na tindahan. Sa harap ng bahay ko, nandito si Aling Nene na nagwawalis sa labas ng kaniyang tindahan. Nginitian niya ako kaya ngumiti rin ako sa kaniya. Lagi kaming ganito araw-araw, ngunit kahit kailan, di pa kami nakakapag-usap, liban na lang ang mga pagkakataong mapapabili ako ng yosi at ibang mga bagay sa kaniya.
Tuwing pupunta ako ng trabaho, lagi akong naglalakad papuntang sakayan, at ang paglalakad ko ay nahahati sa tatlong parte. Ang unang parte ay ang tindahan ni Aling Nene. Ang ikalawang parte naman ay ang magkatabing pagupitan at parlor nina Mang Isko at Tony Gudoy. Araw-araw makikita ang dalawang magkaribal na pagupitan na nagbabangayan at naguunahan sa mga magpapagupit. Minsan pa’y, hindi lang sa mga customer sila nagtatalo, kundi pati na rin sa mga walang ka kwenta kwentang mga bagay, tulad na lang ng kung may darating bang bagyo o wala, kung totoo ba ang mga sirena, o kung kailan puputi ang mga uwak. Tila ba nilikha sila ng Diyos upang laging mag-away na para bagang mga aso at pusa. At, habang sila ay nagtatalo sa gitna ng kalye, nakamasid naman sa kanila ang buong bayan namin, at naka suporta naman sa kanila ang kanilang mga suki, mga binata at matatandang lalaki kay Mang Isko, at mga kababaihan at mga lalaking may kalituhan sa kasarian ang kay Tony Gudoy. Sa tuwing mapapadaan akong nag-aaway ang dalawa, umiiwas na lamang ako.
Ang ikatlong parte naman ay ang sementeryo ni Sto. NiƱo. Hindi ko alam kung kailan ginawa ang sementeryo at kung sinong magaling ang nagpangalan sa isang sementeryo sa batang hesukristo, pero, mula pa noong lumipat ako dito sa bayang ito, natatakot na ako sa lugar na iyon. Sa may papasok kasi ng nasabing lugar, makikita ang mga lumang rebulto ng mga santo, na naaagnas na, tuklap na ang mga pintura, at pugot na ang mga ulo’t braso. Sa sementeryo ding iyon ay makikita si Aling Martha. Isa siyang baliw na laging may taklob sa ulo at balot ang buong katawan. Mula noong bata pa ako ay nakikita ko na siyang mag-isa, ngunit hindi sa sementeryong iyon, kundi sa bukid ng bayan namin noon. Nagulat na nga lang ako nang nakita ko siya rito noong bagong lipat ako. Pero, di rin naman imposible na siya ay mapadpad dito, sapagkat itong nilipatan ko ay malapit lang sa bayan namin noon, at posibleng siya ay nakapaglakad hanggang makarating dito. Sa katunayan, may kaunting awa akong nararamdaman sa kaniya, gusto ko siyang matulungan.
Maaga akong pumasok ngayon sa opisina. Nagtratrabaho ako sa isang kumpanyang nangangalaga sa mga lumang bidyo, pelikula at palabas. Kami rin ang namamahala sa pag papa-restore at edit ng mga nabanggit. Ang pinaka trabaho ko ay magrestore ng mga lumang bidyo, bale, ang ginagawa ko ay nililinis ko at nilalagyan ng kulay ang mga lumang pelikula o palabas at pinagmumukhang bago, para maipalabas ulit ang mga ito sa mga sinehan at telebisyon.
Ngayong araw din, tulad ng maaga kong pagising, maaga ko ring natapos ang mga gawain ko. Lahat ng nakalaang ayusin ko sa loob ng isang linggo ay ubos na. Nakagawian ko na sa tuwing mayroon akong di natapos ayusin na bidyo para sa linggo, mag-uuwi ako ng ilan at papanoorin ko sa bahay, ngunit, sa araw na ito ay wala akong maiuuwi kaya kinuha ko na lang ang kahon ng aking kaibigang si Jowel, na wala sa trabaho ngayong araw. May laman itong pitong VHS, at palagay ko ay magaganda ang mga ito. Alam ko namang hindi niya ikagagalit kapag kinuha ko ang mga ito kaya nagdali dali na lang akong umuwi.
Gabi na ngayon. Pumanhik muna ako sa kwarto at nagbihis. Matapos, umupo ako sa sala at binuksan ang kahon.
Tinitignan ko isa-isa ang mga VHS. Walang magandang palabas, walang klasikal na pelikula. Ngunit maaga pa bago matulog, kaya pinagtiisan ko na lamang panoorin ang mga home video ng mga mayayamang pamilyang may pambili ng camcorder noon, at ang mga kasalan at honeymoon nila. Pakiramdam ko tuloy ako ay namboboso sa mga buhay ng may buhay. Marahil pakielamero ako. Hindi ko naman iyon sinasadiya, hindi ko mapigilan manood. Mula noong bata pa ako ay mahilig na ako sa panonood ng mga pelikula at palabas, at marahil din, sa buhay ng iba. Kaya siguro sa ganitong trabaho ako napasok, dahil na lamang sa hilig ko.
Patapos na itong pinanonod ko, napatingin ako sa relo. Alas diyes na pala. Di bale at nasa huling tape naman na ako. Tinignan ko ang sunod na VHS at binasa ang titulo nito:
Bb. Pilipinas 1990
Hindi ako mahilig sa mga ganitong uri ng palabas, ngunit, wala na akong ibang magagawa kundi tapusin ang panghuling VHS, sapagkat sayang naman ang pagpuslit ko sa kahon ng aking kaibigan kung hindi ko ito susulitin. Sinimulan ko na ang panonood ng paligsahan. Pinapakita rito sa palabas ang mga nagagandahang mga dalaga mula sa iba’t-ibang panig ng bansa. Isa-isa na silang rumampa na suot ang kanilang mga magagarbong bestida. Ang iba ay may suot na lumulobo at nagkikintaban na mga damit at ang iba naman ay simple lang at payak. Lahat sila’y, iba-iba man ang suot, ay nagmimistulang mga anghel. Ngunit, may isang kalahok na namukodtangi sa aking paningin. Siya ay si binibining #12, o sa tunay na pangalan, Maria Santos.
Naiiba siya sa mga kalahok. Oo, pare-parehas silang magaganda, ngunit siya, lalo nang mga mata niya, ay talagang naiiba. Nangingibabaw ang mga iyon na tila mga tala sa kalangitan. Walang katulad. Ang mga mata niya’y mahiwaga, kakaiba ang pungay, at higit sa lahat, noong napatingin siya sa camera at tila napatitig sa aking mga matang nanonood, tila ba pakiramdam ko’y nakikita niya ang kaluluwa ko, at may boses ang mga titig niya na nagsasabing lalo ko pa siyang tignan.
Sumunod, rumampa ang mga kalahok na suot ang kanilang mga swimwear. Pinagmamasdan ko ang kanilang mga mapanukso at mapang-akit na mga katawan, ngunit, sa hindi ko alam na dahilan, kay binibining #12 pa rin ako nakatingin ng husto, at hindi sa kanyang katawan, kundi sa kaniya pa ring mga mahiwagang mata. Tila, mas nakakapang akit pa sa akin ang mga iyon kaysa sa mga nagagandahang hulma ng katawan ng mga kalahok. Ngunit, di man ako sigurado, pero, parang nakita ko na dati ang mga matang iyon.
Maria Santos, Maria Santos, Maria Santos.
Wala akong matandaang nakilalang Maria Santos noon. Ngunit, nakasisigurado akong nakita ko na ang mga mahiwagang matang iyon dati. Isang tao lang pupwedeng mag may-ari noon, di ako pwedeng magkamali. Sa buong buhay ko iisang beses ko pa lang nakita na ang mga matang iyon ay taglay ng isang tao. Ngunit, hindi Maria Santos ang pangalan niya. Iba siya. Iba siya. O di kaya’y iisa sila?
Imposible…
………………
Noong bata ako ay sa kalapit na bayan lang kami nakatira. Bale, magkatabi ang bayang tinitirhan ko ngayon at ang bayan namin noon. Sinadya ko talagang lumipat sa malapit na bayan para madali akong makadalaw sa aking mga magulang. Naalala ko pa noon, noong ako ay nasa elementarya pa lamang, araw-araw tuwing umuuwi ako ay naglalakad ako sa isang talahiban. Doon ako dumaraan sapagkat mas mabilis kapag doon ka naglakad kaysa sa tunay na kalye. Ang kalye kasi ay umiikot-ikot pa bago makarating sa amin, samantalang sa talahiban naman ay lumilihis at isang padiretso lang tungo sa amin.
Lagi akong nag-iisa noong bata ako. Ang mga naging kaibigan ko lang ay ang mga libro at, noong medyo tumanda, mga pelikula at palabas sa telebisyon. Lagi akong nag-iisa sa paglalakad ko sa talahiban pauwi at papasok noon. Sa talahiban ding iyon, doon ko nakikita si Aling Martha. Siya ay may taklob na rin sa ulo at balot na balot na rin ang buong katawan. Makikita siyang pagala gala doon, ngunit hindi siya lumalagpas sa dulo ng mga talahib.
Noon ay natatakot ako kay Aling Martha. Sa tuwing makikita ko siya sa daan, ay kakaripas kaagad ako ng takbo papalayo sa kaniya, at kapag alam kong malayo na ako, tatanawin ko siya upang makasiguradong hindi siya sumunod, o sumusunod upang hulihin ako at gawing pagkain sa mga alaga niyang aswang. Iniisip ko kasi dati na isa siyang mangkukulam, o di kaya’y sinapian.
Isang araw, habang nag-iisa ako, ay may nakita akong batang babae, kasing edad ko siya noon, tiga ibang eskwelahan, na naglalakad din sa talahiban. Hindi siya pamilyar sa akin, unang beses ko pa lang siyang nakita. Nauuna siya ng mga ilang metro. Gusto ko sana siyang tawagin noon at makipagkaibigan sa kaniya, ngunit, kapag inunahan nga tayo ng kaba, wala tayong nagagawa. Hindi ko siya tinawag ni hindi ko rin siya hinabol. Sinundan ko lang siya noon at pinagmasdan.
Mula noong araw na nakita ko siya sa talahiban, lagi ko na siyang nakikitang naglalakad doon. Ngunit, sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, lagi siyang nauuna sa akin ng ilang metro. Naalala ko rin na sa tuwing magkakasabay kami sa talahiban, lagi siyang kumakanta. Hindi man kagandahan ang boses niya, nasanay na rin naman ako sa pakikinig ng mga iyon. Ngunit, hanggang tingin lang at pakikinig ang kaya ko. Hindi ko pa rin siya makausap. Mula noong na sa elementarya ako lagi ko lang siyang pinagmamasdan at sinusundan. Tuwing lilingon naman siya sa likod, lagi naman akong nagtatago sa mga damo. Para kaming naglalaro ng tagu-taguan, siya palagi ang taya. At dahil sa galing kong magtago, kahit kailan di niya ako nakita o kahit naramdaman man lang. Pero ayos lang sa akin iyon. Masaya na akong pinagmamasdan siya. Natutuwa pa nga ako sa tuwing makikita ko siyang dumaraan kay Aling Martha. Parehas kami ng ginagawa. Tumatakbo siya ng kay bilis-bilis at pagdating sa malayo, lilingon para sa matanda. Agad naman akong magtatago sa damo para hindi makita.
Paulit-ulit na ganoon lang ang nangyayari sa aming dalawa araw-araw noong na sa elementarya pa ako. Nagbago lang ang lahat noong pagtapak ko ng sekundarya.
Isang araw, habang nagkaklase kami ay nagkaroon ako ng malubhang lagnat. Dinala ako sa klinik. Doon, pinainom nila ako ng gamot na pangit ang lasa at tinanong kung may matatawagan daw ba ako para sunduin ako. Sabi ko naman ay wala, sapagkat ang mga magulang ko ay may trabaho noon. Nag-usap ang mga nars kung ano ang gagawin nila sa akin. Mga ilang oras din ako na naroroon sa klinik at naghihintay. Maya-maya ay bumalik sila sa akin at tinanong ako kung kaya ko na daw bang maglakad at kung malapit lang daw ba ang aming bahay, mas mabuti raw kasi na roon ako magpahinga. Sinagot ko naman sila na kaya ko nang umuwi ng mag-isa. Kaya pinauwi na nila ako.
Ngunit hindi ko pala kaya.
Latang lata ako noong maglakad ako pauwi. Pagdating ko ng talahiban, pilit na pilit na lang ang mga hakbang ko. Pagewang gewang akong naglakad sa loob ng mga damo, ngunit hindi ko na kinaya. Naupo muna ako sa sahig at doon namahinga. Naisip ko, tutal naman maaga akong ipinalabas, may oras pa akong magmuni-muni. Ngunit, maya-maya ay bigla akong nakatulog.
Naging mahimbing ang pag-idlip ko. Nang nagising ako, may nakita akong isang babaeng nakatitig sa akin pababa. Nakangiti siya. Nginitian ko rin ang babae. Hinimas ko ang mga mata ko para mawala ang labo. At nang maging malinaw na ang aking paningin:
“Ahh!”
Napahiyaw ako. Si Aling Martha pala ang babaeng nakatitig sa akin. Napasigaw din ang matanda, marahil natakot din. Mabilis akong tumindig at nagsisitakbo. Takot na takot ako noon at di ko na namalayan kung saan ako paparoon. Ang bilis ng tibok ng aking puso. Ang mga paa ko’y di tumitigil sa pagtakbo. Sinubukan kong lumingon sa likod para makita ang matanda, ngunit biglang:
“Ahh!”
Tumilapon ako sa sahig. Malakas ang aking pagbagsak. Nakapikit kong hinimas himas ang aking katawan. Kinapa ko kung may nabali ba akong buto. Buti na lang at wala. Dumilat ako at bigla kong napagtanto, may nabunggo nga pala ako. Nanlaki ang mga mata ko sa aking nakita. Makalipas ang ilang taong pagmamasid ko at pagtatago, na sa harapan ko noon at kasama ko sa lapag ang babaeng pinagmamasdan ko palagi. Malaki na siya, dalaga na’t di na tulad noong una ko siyang nakita. Nakaupo siya sa sahig at hinihimas ang kaniyang katawan.
“Ano bang problema mo?” tanong niya sa akin.
Wala akong na sabi. Noon ko lang siya narinig magsalita.
“Narinig ko kaninang sumigaw ka at iyong si Aling Martha, kaya nagmadali akong tignan. May nangyari ba?”
Di pa rin ako nakapag-salita. Nakatitig lang ako sa kaniya.
Tumitig lang din siya sa akin, naghihintay ng sagot.
“Osige,” tumayo siya. “Sabi na nga bang pipe ka kaya di ka nagsasalita. Maiwan na kita. Mag-iingat ka na lang.”
Aalis na sana siya, nang bigla akong tumayo. “Teka! Hindi ako pipe!”
Tumingin siya sa akin at napangiti ng kaunti. “Eh bakit ngayon ka lang nagsalita?”
Nagtaka ako. “Anong ngayon lang? Siyempre ngayon lang tayo nagkita.”
Tumawa siya. Lalo naman akong nagtaka. “Kunwari ka pa.” tinapik niya ako sa braso. Naintindihan ko na. “Alam ko namang noon mo pa ako sinusundan. Akala ko noon pipe ka kaya hindi ka nagsasalita, o minsan pa ay, naiisip ko kamag-anak mo si Aling Martha.” Lalong lumakas ang tawa niya.
Medyo nainis ako ng marinig na pinaghinalaan niya akong kamag-anak ng baliw, pero medyo natuwa rin ng maisip kong, iniisip din niya pala ako kahit papaano. Napangiti ako.
“Nahihiya lang ako! Hindi kasi ako sanay makipag-usap sa hindi ko kakilala. Eh bakit ikaw? Kung nakikita mo pala ako, bakit hindi mo ako kinausap?” tanong ko sa kaniya.
Napangiti siya. “Eh pano,” tumawa na naman siya. “Nakakatakot ka!”
“Sus! Wag ka matakot sa akin, di naman ako nangangain! Sa katunayan nga parehas tayo ng kinakatakutan eh.”
“Ano naman iyon?”
“Si Aling Martha!” Ngumiti ako sa kaniya, upang ipahiwatig na nagbibiro ako. Nakuha naman niya at ngumiti rin. “Napansin ko nga rin na parehas tayo ng istilo pag nakikita siya eh, yung tatakbo tas lilingon.” dagdag ko.
“Kaya nga natatakot ako sa iyo eh.”
“Bakit naman?”
“Stalker ka eh.”
May sasabihin na sana ako ng bigla niya akong pinigilan at tumawa. Tinapik niya ako sa braso at tinignan ako sa mata. Sa sandaling iyon ay nakaramdam ako ng koneksyon. Iyon ang unang pagkakataong nakita ko ang mga mata niya, ang mga mahiwaga at magaganda niyang mata. Tumitig siya sa akin na tila ba sinisilip ang isipan ko. Napatitig lang din ako sa kaniya at walang nagawa. Bigla naman siyang ngumiti.
“Agatha Santos nga pala.”
Napangiti ako. Iyon pala ang pangalan niya.
…………………
Sabi na nga ba at nakita ko na dati ang mga matang iyon. Ano kaya talaga, iisa lang ba sila? Agatha Santos naging Maria Santos? O pwede ring baka magkamag-anak sila kaya parehas sila ng mata.
Pinagpatuloy ko ang panonood. Ang mga mata ko ay na kay Maria Santos lamang. Nang matapos na ang mga rampahan at nasagot na ng mga kalahok ang tanong ng mga hurado, tatanghalin na ang kampeon. Nakaabot si Maria sa panghuling dalawa, kasama niya si binibining #3, at may pagasang tanghaling Binibining Pilipinas 1990. Magkahawak ang kamay ng dalawang dalaga. Ako nama’y naka krus ang mga daliri at nakatitig sa dalawang binibini at nakikisalo sa kanilang kabang nararamdaman.
Sana si Maria manalo. Sana si Maria.
Iyon ang paulit-ulit kong hiling. Ngunit hindi nagkatotoo. Ang nagwagi ay iyong si Binibining #3. Umiyak ang kampeon sa tuwa, niyakap naman siya ni Maria. Nang maghiwalay ang dalawa at nagkaroon ng pagkakataon na ang camera ay tinutok ka’y Maria, pinause ko ang bidyo. Pinagmasdan ko sa huling pagkakataon ang nagagandahang mga mata niya. Lumapit ako sa telebisyon at tinitigan siyang mabuti. Hinaplos ko ang kaniyang mukha.
Pinatay ko na ang telebisyon at inayos ang mga VHS sa kahon ni Jowel. Binuksan ko ang computer ko at hinanap sa internet si Maria Santos. Ngunit tila ang internet ay may pinipili ring impormasyon. Tanging ang mga nagwawagi lamang sa Bb. Pilipinas ang makikita rito. Sinubukan ko ring hanapin si Agatha. Sinubukan ko na iyon noon, ngunit tulad ngayon, wala rin akong nakitang tungkol sa kaniya, puro sa mga ibang tao lang na kapangalan niya ang lumalabas.
Maya-maya ay pinatay ko na rin ang computer at naghandang matulog. Nang mahiga ako sa kama, tanging ang mga mata pa rin ni Maria at ni Agatha ang tumakbo sa isipan ko. Hindi pa rin ako mapakali. Gusto kong malaman kung sino ba talaga si Maria at kung mayroon ba siyang ugnayan kay Agatha. Gusto ko siyang makita. Gusto ko silang makita. Wala namang mangyayari kung aasa lang tayo sa hiling at himala. Bukas na bukas ay hahanapin ko si Maria Santos.
Hindi naging maganda ang tulog ko. Nanaginip ako ng mga nakakatakot. Tumayo na ako sa kama at naghanda para sa trabaho. Habang naglalakad, nakita ko na naman ang magkaribal na sina Mang Isko at Tony Gudoy na nag-aaway sa gitna ng kalye. Marami na namang nanonood.
“Hoy! Tanda-tanda mo na magnanakaw ka pa rin!” sigaw ng lalaking may kalituhan sa kasarian.
“Anong magnanakaw? Namumuhay akong maayos dito, hoy!” sagot naman ng lalaking napapanot na.
“Aba tumatanggi ka pa! Magnanakaw! Magnanakaw! Bayan may magnanakaw dito!”
“Hoy bading! Alam mo bang na sa sampung utos na huwag kang magbibintang ng iyong kapwa!”
“At may pasampu-sampung utos ka pang nalalaman diyan? Helur! Palibhasa kasing edad mo na si Moyses!” humalakhak si Tony Gudoy kasama ang mga tauhan niyang katulad niyang lito sa kasarian.
“Bastos ka talaga kahit kailan! Walang modo! Kaya di na nakapagtataka kung bakit ka pinalayas sa inyo at binugbog ng tatay mo!” nagtawanan ang mga kalalakihan at nag sisi-apir.
Nagmura si Tony at inambahan ng sampal si Mang Isko. Sinagot naman ito ng matikas pang matanda ng pang aamba rin. Tinigilan sila ng mga tao.
“Kung hindi mo ilalabas yung kinuha mo sa akin magkakapatayan tayo rito!”
“Wala nga akong kinuha!”
“Umamin ka na! Ikaw lang naman ang tumitira ng mga ganoon!”
“Huh?! Ano bang pinagsasasabe mo?!”
“Yung bago kong biling chicharon!”
Katulad ng nakagawian ko, umiwas na lang ako sa kanila. Habang naglalakad naman ako malapit sa sementeryo, napansin kong wala roon si Aling Martha. Naalala ko na naman ang matandang iyon. Dati, lagi namin siyang pinaguusapan ni Agatha.
…………….
Pagkaraan namin mag-usap noon, hindi na ako nahihiya sa kaniya. Madali kaming nagkasundo. Parehas kami ng mga interes at pananaw sa mundo. Sa tuwing magkakasabay, ay naglalapitan na kami, at noong tumagal, lagi nang magkasama umuwi. Naging matalik ko siyang kaibigan, o marahil, nagkaroon na ako ng kaibigan. Lagi kaming naghihintayan sa may bukana ng talahiban para sabay kaming papasok doon. At, sa loob ng nasabing damuhan, nahihiwalay kami sa mundo. Doon, kami ay nag-uusap tungkol sa kung ano-anong mga bagay. Doon ko rin nasasabi sa kaniya ang mga naiisip at nararamdaman ko, maliban sa isang bagay, na hindi ko maamin-amin sa kaniya.
“Ngayon, ano na balak mong gawin kay Aling Martha?” tanong ko sa kaniya.
“Hindi ko nga alam eh. Basta gusto ko lang siyang matulungan.” Sagot ni Agatha sa akin.
“Ano kayang magandang gawin? Hanapin natin pamilya niya?”
“Pwede rin? Kahit naman nakakatakot siya, malamang may pamilyang naghahanap sa kaniya.”
“Kawawa naman siya eh no? Lagi siyang nag-iisa rito sa talahiban.”
“Kawawa ba? Edi samahan mo!”
“Sus! Ayoko nga! Pero, kung iisipin mo, pano kaya siya kumakain?”
“Ewan. Mga damo at talahib?”
“Ano yun kabayo?!”
Tawanan kami.
“Alam ko na para simple lang! Bigyan na lang kaya natin siya ng pagkain araw-araw tuwing umuuwi tayo?”
“Sige ba! Kahit tinapay man lang?”
“Sige!”
“Sige! Basta ikaw bibili ah!”
Magsasalita na sana ako ng bigla niya akong tinapik sa braso at ngumiti. Naglakad siya papalayo sa akin sabay kumanta. At kahit di rin ako sanay, lagi ko siyang sinasabayan sa tuwing siya ay aawit.
Mula noong araw na iyon, lagi kaming bumibili ng tinapay para ibigay kay Aling Martha. Salitan kami araw-araw sa kung sino ang magdadala ng pandesal. Minsan, kapag nakalimutan namin magdala, ay bibili muna kami sa tindahan. Ako nama’y minsan sinasadiya ko talagang makalimutan para makasama ko siya ng mas matagal. Kapag naroroon naman na kami kay Aling Martha para ibigay ang tinapay, iniiwan lang namin sa kaniya iyon habang siya ay di nakatingin. Kapag naman napansin niya kami, agad kaming tatakbo sa kalayuan, at, kapag malayo na, sabay na lilingon sa likod at sisiguraduhing hindi siya sumunod o sumusunod.
……………..
Dumating ako sa opisina. Nakita ko kaagad si Jowel at sinauli ang hiniram kong kahon. Sabi niya na hindi ko naman daw hiniram iyon. Tumawa na lang ako at tinulungan siya sa trabaho sapagkat tapos naman na ang mga gawain ko. Inuna naming gawin ang bidyo ng Bb. Pilipinas 1990. Habang nag-aayos kami ay itinuro ko sa kanya si Maria at sinabi ko ang kutob ko na malamang ay kababata ko siya dati. Sabi ko rin na gusto ko siyang makita. Dahil doon, binilisan namin ang pagawa. Nang matapos, inilabas niya ang mga papeles ng mga VHS niya. Doon namin nakita kung saan nanggaling ang bidyo ng Bb. Pilipinas. Ang nagpadala daw noon ay nakatira ngayon sa Tondo.
Benjie Morales
Iyon daw ang pangalan. At palagay ko, ang nakaka-alam kung nasaan si Maria.
Naglalakad ako ngayon sa daan pauwi. Madilim na. Nakita ko si Aling Martha na nangangalkal ng basura at tila may suot na korona. Naalala ko na naman si Agatha at kung paano namin siya tulungan noon. Gusto ko sana siyang bigyan ulit ng tinapay, ngunit, ayoko ng ganito. Ayoko ng mag-isa. Gusto ko kasama ko ulit si Agatha. Gusto ko siya ulit makita. Bukas na bukas aalis ako papuntnang Tondo. At, kung alam nga ng Benjie na iyon kung saan makikita si Maria, at tama nga ang hula kong iisa sila, magkikita na ulit kami makalipas ang mahabang panahon.
Nakauwi na ako. Maaga akong matutulog ngayon. Ngunit, hanggang ngayon sa aking pagtulog, di sila mawala-wala sa aking isipan.
Nagising ako na masakit ang aking katawan. Magkakasakit yata ako. Nagkaroon na naman ako ng masasamang panaginip. Pag-bangon ko sa kama ay agad akong nagsipilyo at nag-ahit. Napansin kong mahaba na ang aking buhok at kailangan ko ng magpagupit. Matapos kong mag-ayos at kumain, dumiretso ako sa pagupitan ni Mang Isko. Sa kabutihang palad ay walang nag-aaway ngayon. May sakit si Tony Gudoy at ang mga kampon niya lamang ang naiwan sa kaniyang parlor.
Pumasok na ako sa pagupitan at doon umupo. Sakto, ang matandang si Mang Isko ang gugupit sa akin. Sa labas ay matatanaw ang sementeryo. Doon nakikita namin si Aling Martha na ginugulo ng mga batang kalye. Dahil sa napansin kong nakatingin si Mang Isko kay Aling Martha, hindi ko naiwasang magtanong.
“Alam niyo ho ba ang nangyari sa kaniya?”
“Saan? Diyan sa baliw na iyan? Ang alam ko lang diyan eh isang araw bigla na lang iyan sumulpot dito. Ang sabi ng iba, mula daw siya sa kalapit na bayan.”
“Ganoon po ba. Eh may nakapag sabi ho ba sa inyo kung bakit siya nabaliw?”
“Alam mo, ato, dito sa bayan natin marami kang maririnig na tsismis. Kaya dapat, huwag kang aasa sa mga sinasabi lang ng iba, dumepende ka sa obserbasyon. Marami kasing nagsasabi ng kung ano-ano tungkol diyan sa baliw na yan. Sabi ng iba na gahasa daw siya noon, ang iba naman ay nasapian daw. Pero alam mo ang pinaniniwalaan ko, ato?”
“Ano ho?”
“Palagay ko lang, kaya siya nabaliw ay dahil nakita niyang namatay ang buong mag-anak niya sa sunog.”
“Oh? Paano niyo naman ho nasabi?”
“Kasi, tignan mo, lagi siyang may taklob sa ulo at balot na balot ang katawan. Mayroon siyang ganyan kasi tinatago niya ang mga peklat niya. Noon kasi, nakita ko siya ng malapitan, nakita ko ang mukha niyang puno ng peklat na nagmula sa sunog.”
Nagpatuloy ang aming kwentuhan. Maya-maya’y nang matapos niya na akong gupitan ay nagbayad na ako at nagpasalamat.
Mga ilang oras din ang biyahe papuntang Tondo. Dati, noong bata ako, ay lagi kaming pumupunta rito kasama ang mga magulang ko. Dito namin binibisita ang mga tita ko, kaya medyo nakabisado ko na rin ang lugar. Tinunton ko kung saan nakatira si Benjie batay sa binigay sa aking address at sa naaalala ko sa lungsod. Maya-maya pa ay na sa harap na ako ng bahay niya. Kumatok ako. At iyon nga, may matabang lalaki, kayumanggi at nakasalamin, naka sando at tsinelas na biglang lumabas. Siya daw si Benjie Morales. Nagpakilala ako at sinabi ko ang aking pakay. Pinapasok niya ako at pinaupo sa sala. Sabi niya sa akin na maghintay lang daw ako panandali at mag titimpla lamang siya ng kape at may tatawagin.
Si Benjie Morales ay isang manunulat. Ngunit hindi siya sikat. Ang mga sinusulat niya ay puro tungkol sa mga beauty pageant. Siya daw ay ang pinaka eksperto sa mga ganoon. Sa kaniyang itsura ay napapalagay kong magkasing edad lang kami. Palagay ko rin na siya ay katulad ni Tony Gudoy dahil sa kaniyang hilig. Ngunit, hindi pala. Bigla siyang dumating kasama ang kanyang misis na may dalang kape. Agad kong nalaman kung bakit siya nahilig sa mga beauty pageant. Nanlaki ang mga mata ko. Nakita ko na sa telebisyon ang kaniyang misis. Nakita ko siya noong pinanood ko iyong VHS ni Jowel. Di ako nakagalaw sa aking kinauupuan. Nasa aking harapan si Binibining #3, ang itinanghal na Binibining Pilipinas 1990.
Ang pangalan niya ngayon ay Leah Padilla Morales. Wala pa rin siyang pinagbago. Umupo ang mag-asawa sa aking harapan. Nagkwentuhan kami tungkol kay Maria Santos. Sabi nila, kaya raw nila ipinadala sa kumpanya ko ang VHS ay para raw masariwa ni Leah ang nakaraan. At, sa laking tuwa ko, nalaman ko ring magkaibigan pala si Leah at si Maria. Matapos daw noong paligsahan, naging magkaibigan sila. Nagkakatawagan daw sila noon sa telepono at kumakain pa ng sabay kung may pagkakataon. Naging malapit daw sila sa isa’t isa dahil na rin daw sa pagiging palakaibigan ni Maria. Marami pa siyang ikinwento tungkol sa kanila. Ngunit, hindi iyon ang kailangan ko. Tinanong ko siya kung alam pa ba niya kung saan nakatira si Maria. Nagulat ako sa kaniyang sagot.
“Noong nagkakilala kami ay nakatira pa siya noon sa Cavite. Ngunit noong mag-pakasal siya ay lumipat na siya ng bahay. Mula noon hindi na kami nakapag-usap. Ang huli na niyang sulat sa akin ay nagsasabi na naktira daw siya sa…”
Nakatira daw si Maria Santos, sa bayan, na katabi lang ng bayang tinitirhan ko.
Tumindig ako at ngumiti. Nagpasalamat ako sa kanila. Kinamayan ko sila pareho at nagsabing kinagagalak ko silang makilala. Tinanong ko rin sila kung may maitutulong ba ako, nang sabihin nilang wala, ay umalis na ako.
Masaya akong umuuwi. Habang na sa bus, di ko napigilang masabik sa gagawin ko mamaya. Pupunta ako kaagad sa sinabing kinaroroonan ni Maria. Di bale ng gabi. Kailangan ko na siyang makita. Kailangan ko na siyang makausap. Lalo pa ngayon at sinabi ni Leah na taga-Cavite raw si Maria dati.
………………….
Buong magdamag kong hinintay noon si Agatha sa talahiban. Nakaupo lang ako sa may bukana at doon naghihintay. Mag didilim na nung siya ay dumating.
“Bakit ngayon ka lang?” tanong ko.
Ngumiti siya sa akin. “May ginawa kasi kaming proyekto. Pasensya na.” Lumapit siya sa akin at tinapik ako sa braso. “Ikaw talaga.”
“Ano?” tanong ko.
“Hinintay mo pa ako.”
“Siyempre. Akala ko ba lagi tayong maghihintayan dito tuwing uuwi? Ginawa ko lang naman yung pinag-usapan natin.”
Tumawa siya na may kaunting ngiti sa labi.
Napangiti naman ako.
“Sige tara na. Gagabihin ka pa ng husto. Hanapin ka pa sa akin ng nanay mo!” aniya.
Tumawa ako. Di naman niya kilala nanay ko.
Magkasabay kaming naglakad noon sa kadiliman. Tanging mga bituin lang at ang buwan ang nagbibigay sa amin ng liwanag. Dahan dahan kaming naglakad noon sa gitna ng mga talahib. Magkatabi kami. Napatingin ako sa kaniya. Nagmistulan siyang isang bulaklak sa kadiliman. Sa gabing iyon, siya ang pinaka magandang babae sa mundo. Gusto ko siyang hawakan. Gusto ko siyang hagkan. Bumilis ang tibok ng puso ko. Dahan-dahan kong inilapit ang mga kamay ko sa kamay niya. Nang magkatamaan ang aming mga palad, hinaplos ko ang sa kaniya, at hinawakan. Huminto siya maglakad. Tumingin siya sa akin na tila nagulat. Tinignan ko lang din siya. Mga ilang minuto rin kaming ganoon. Ngunit hindi niya tinanggal ang kamay niya.
“Agatha,” sambit ko.
“Ano?” mahinang tanong niya.
“Mahal na ata kita.”
Tinignan niya lang ako, wala siyang na sabi. Nahiya ako sa mga sinabi ko at binitawan ang kamay niya.
“Pasensya,” bulong ko.
Lumingon ako papalayo sa kaniya. Ngunit bigla niyang kinuha ulit ang kamay ko. Pag tingin ko sa kaniya ay bigla siyang ngumiti.
“Mahal din naman kita.”
Ngumiti rin ako. “Totoo ba yan?”
“Yung sayo ba totoo?”
“Mukha ba akong nagloloko?”
Tumawa na naman siya. “Mukha rin ba akong nagloloko?”
Nagpatuloy na kaming naglakad paalis ng talahiban. Magkahawak ang kamay namin sa buong daan. Tuwang tuwa ako noong gabing iyon. Sa unang pagkakataon ay may nagsabi sa akin ng mga ganoong salita. Ayoko na siyang bitawan pa. Gusto ko, akin na siya habang buhay.
…………………
Gabi na, pero sa kabilang bayan muna ako bumaba. Sumakay ako ng tricycle at nagpahatid sa bahay ni Maria. Mga ilang minuto ang nakalipas at nakarating na kami. Nakita ko ang malaki nilang bahay. Pinakinggan ko, mula sa labas, ang mga tinig sa loob ng tahanan. Narinig ko ang mga boses ng mag-asawa at ng mga bata. Mukhang naghahapunan na sila. Marami na rin siguro silang mga anak. Lumakad ako papalapit sa kanilang tarangkahan. Nag-ipon muna ako ng hininga at ng lakas ng loob. Sa wakas, makikita ko na si Maria. Makikita ko na si Agatha.
“Tao po,” kumatok ako.
Tumigil ang mga nag-uusap sa loob. Maya-maya ay may lumabas na matabang babae.
“Ano ho iyon?” tanong niya sa akin.
“Pwede ko po bang maka-usap si Maria?” sagot ko.
“Sino pong Maria?”
“Maria Santos po?”
Lumabas ang mga kasama niya sa bahay. Tinignan ng babae ang mga kaanak niya, tila kinakabahan.
“Wala hong Maria Santos dito?”
Nagtaka ako. Tinignan ko ulit ang papel kung saan ko isinulat ang sinabing address sa akin ni Leah. Pinakita ko ito sa babae. Sinabi niyang tama raw ang pinuntahan ko. Ngunit, wala ngang Mariang nakatira. Imposible. Paulit-ulit ko siyang tinanong. Ngunit, paulit-ulit lang din ang kaniyang sagot.
“Ito yung sinabi sa akin eh? Sigurado ba kayong wala?”
“Wala nga ho kuya.”
“Hindi pwede…” napabulong ako. “Baka tinatago niyo lang siya!” di ko napigilang sumigaw. Natakot ang babae sa akin. “Ilabas niyo siya! Alam kong nandito lang siya!” Nilapitan ako ng kaniyang asawa.
“Ano ba ang problema mo?!” tanong ng lalaki sa akin. Naalala ko ulit ang unang sinabi sa akin ni Agatha.
“Si Maria Santos… Gusto ko makita si Maria!”
“Wala ngang Maria dito! Nahihibang ka na! Umuwi ka na!”
“Ilabas niyo kasi muna siya! Pag hindi niyo siya inilabas… Pakukulong ko kayo!”
Nabulabog ang buong kalye. Naglabasan ang mga kalalakihan at mga tsismosa sa kani-kanilang mga bahay.
“Maria!” sigaw ko. “Maria, Maria!”
Tinulak ako ng lalaki. Tumumba ako sa sahig. Napuno ng galit ang puso ko. Tumayo ako. Gusto ko siyang sapakin. Ngunit, napansin ko ang mga taong nanonood sa amin. Tumakbo na lang ako papalayo. Tumakbo ako na tulad ng ginagawa ko noon kay Aling Martha.
Baliw! Baliw! Baliw!
Iyon ang paulit-ulit nilang isinigaw sa akin.
……………………
Magkahawak ang kamay namin noon ni Agatha. Lumabas kami ng talahiban, parehas masaya. Di pa rin nawawala sa pakiramdam ko ang ligaya ng sinabi niya sa akin. Tinignan ko ulit siya. Hinawakan ko ang isa pa niyang kamay. Doon tinignan niya rin ako. Tinignan niya ako gamit ang mahihiwaga niyang mata. Ngumiti siya. Bumitaw ako at niyakap siya. Mas nilapit ko siya sa akin.
“Agatha,” bulong ko.
“Ano?” tanong niya ng kinakabahan, ngunit may kasamang hindi matagong ngiti sa mga labi. Hindi siya lumayo.
“Mahal na mahal kita…”
Matapos kong sabihin iyon, matapos kong ulit-ulitin sa kaniya, hinalikan ko siya. Hindi siya tumanggi. Hindi niya ako pinigilan. Hinayaan niya lang ako. Masaya ako. Masaya siya. Masaya kami noon. Di namin alintana ang sumasapit ng dilim. Di namin iniisip ang iba. Tanging kami lang, at ang isa’t-isa ang mahalaga noong gabing iyon. Mahal ko siya, mahal na mahal. Sana hindi na matapos ang oras na iyon.
Nang sumunod na araw ay hinintay ko ulit siya sa bukana ng talahiban. Masaya akong naghihintay noon. Panalangin kong maulit muli ang nangyari kagabi. Sariwa pa rin ang ala-ala nang sabihin niya sa aking mahal niya rin ako. Hinintay ko ulit siya hanggang abutin ako ng gabi. Ngunit, noong araw na iyon ay hindi siya dumating. Gabing-gabi na akong umuwi sa amin. Pinagalitan ako ng mga magulang ko. Pero, di ko iyon pinansin, ang mas mahalaga sa akin ay si Agatha, at kung napano kaya siya.
Kinabukasan ay naghintay ulit ako. Ngunit, hindi pa rin siya dumating. Nag patuloy ang ganoon ng ilang araw. Kinabahan na ako. Baka kako may nangyari sa kaniyang masama, o baka, mula noong gabing nagtapat ako, ay nailang na siya sa akin. Pero, naghintay pa rin ako. Naghintay ako ng naghintay sa bukana ng talahiban. Lumipas ang ilang buwan ay di pa rin siya nagpakita.
Isang araw, sabado noon, at nagdesisyon akong maghintay muli sa talahiban. Magtatapos na ang taon namin noon sa eskwela, kaya marahil maghintay na lang din ako at baka iyon na ang huling araw naming magkita. Buong araw ko siyang hinintay noon. Buong araw kong hinintay ang babaeng mahal ko at ang tanging kaibigan ko. Habang naghihintay ako, biglang umulan noon. Pero hindi ako umalis. Naroroon lang ako. Maya-maya ay dumating si Agatha.
“Hanggang ngayon naghihintay ka pa rin.” Sinabi niya sa akin sa gitna ng ulan.
“Hindi ba pinag-usapan natin na maghihintayan tayo rito?”
“Baliw ka rin ano?”
“Hindi naman kasi ako nagloloko.”
Tinignan niya lang ako at ngumiti. “Si Aling Martha, binibigyan mo pa rin ba ng tinapay?”
“Nawala na siya. Kasabay noong nawala ka. Hindi ko na siya nakikita.”
“Ganoon ba.”
“Ano bang nangyari sayo? Ba’t bigla kang naglaho?”
Lumapit siya sa akin. “Aalis na kasi kami. Gusto na kitang makalimutan.”
Nagulat ako. “Bakit? Saan kayo pupunta? Bakit kailangan mo akong kalimutan?”
“Alam mo kasi,” lumumbay ang kaniyang mukha. “hindi talaga kami taga rito. Nakikitira lamang ako sa lola ko sapagkat nag-away ang mga magulang ko at ayaw magsama. Ngayon, makalipas ang ilang taon, nagka-ayos na silang muli, babalik na akong Cavite kasama sila.” Tinignan ko lamang siya. “Alam mo ba kung bakit nauuna akong maglakad sayo noon palagi ng ilang metro?”
“Bakit?” mahinang tanong ko.
“Ayoko kasing kausapin ka. Ayoko kasing magkaroon ng kaibigan dito kasi natatakot akong baka, kung dumating na ang araw na babalik na ako sa Cavite, ay hindi ko na magawa. Lagi akong nagmamadali noon umuwi para di kita makausap. Kaso, walang hiya nga tong si tadhana eh! Nakausap kita at nagkagusto pa ako sayo. Hindi ko na tuloy kayang umalis.”
“Edi, ibig sabihin ba noon, di ka na matutuloy?”
“Matutuloy pa rin. Kailangan eh. At matagal ko na itong hinintay. Nahihirapan lang ako dahil sayo.” Niyakap niya ako.
“Kaya ba… ninais mong huwag makipag kita sa akin, para makalimutan mo na ako at makalimutan kita, at hindi ka na mahirapan pa?”
“Oo. Pasensya. Ngunit di ko kayang di makipag kita sa iyo eh. Di pala kita kayang kalimutan.”
“Ako man, di ko kaya.” Niyakap ko siya ng mas mahigpit. “Kailan ba alis mo?”
“Bukas na.”
Natahimik ako. “Kung gayon maghihintay ako sayo. Dito lang ako sa talahiban at hihintayin kita.”
“Huwag. Huwag mo kong hintayin at baka masaktan lang kita. Baka hindi na ako makabalik dito.”
“Eh ano gusto mong gawin ko? Kalimutan ka?”
“Ikaw bahala.”
Napa-isip ako. “Hindi. Hahanapin na lang kita. Pag-tanda ko hahanapin kita kahit saan ka pa man pumunta! Pangako Agatha. Pangako. Araw- araw kitang mamahalin.”
Ngumiti siya. “Hindi nga pala Agatha pangalan ko.”
May sasabihin na sana ako, nang biglang tinapik niya ako sa braso at tinignan sa mata. Hinalikan niya ako.
“Mahal na mahal din kita, araw-araw”
Iyon na ang huling pagkakataong nakita ko siya. Iyon na ang huling beses na nakita ko ang mga mata niya.
………………………
Naging sariwa sa akin ang lahat ng mga nangyari. Lahat ng mga pangako ko sa kaniya. Ang pangako kong hahanapin ko siya. Mula noong araw na iyon ay binuhos ko na ang buong buhay ko para lang makita siya. Kamakailan lang ako huminto, kamakailan lang ako tumigil nang lumipat ako dito at iwan ang talahiban. Ngayon, na alam ko na kung nasaan siya, ngayon pa siya mawawala.
Agad akong umuwi. Di ko na kaya. Sobrang sama ng pakiramdam ko. Kumuha ako ng mga babasagin at pinaghahagis ko. Sumisigaw ako. Sumisigaw ako ng malakas. Sumusuntok ako ng sumusntok sa pader. Dumurugo nang mga daliri ko. Napa-upo ako sa sahig at dito biglang nagsisi iyak. Di ako umiiyak dahil sa sakit ng mga sugat ko, naiiyak ako dahil sa nadarama ko. Humahagulgol ako. Pina ulit-ulit ko ang pangalan ni Maria. Di ko na alam ang gagawin ko. Kay tagal tagal ko na siyang hinanap. Ang dami ng oras ang nasayang. Hindi ko siya sinukuan. Nandito lang ako at laging nag-aabang, ngunit, di siya bumabalik. Di siya dumarating at hindi ko siya mahanap! Pinanindigan ko ang pangako ko! Kahit kailan di siya nawala sa isip ko! Araw-araw ko siyang minahal! Mula noon di na nagbago iyon. Wala ng nagbago!
NASAAN KA BA MARIA?! NASAAN KA BA AGATHA?! MAHAL KITA! OO, MAHAL NA MAHAL PA RIN KITA!
Ngayon, di ko na talaga alam kung paano pa siya makikita. Marahil, kailangan ko na lang sigurong kalimutan siya. Marahil, kailangan ko na lang tanggapin na wala na si Agatha, wala na si Maria, at hindi ko na siya makikita pa. Kailangan ko ng mabuhay sa kasalukuyan at iwan ang nakaraang bumubulag sa akin. Hindi ko na siya makikita. Ang tanging babaeng minahal ko at ang tanging kaibigan ko, wala na.
Wala na si Maria. Wala na si Agatha.
Tumayo ako sa sahig at naghugas ng kamay. Di matigil ang pagdurugo at pamamaga. Lumabas ako ng bahay at napansing bukas pa ang tindahan ni Aling Nene. Doon ako pumunta at bumili ng mga band aid. Tinignan ko ang matanda at napansing nakatitig din siya sa akin. Marahil narinig niya ang mga sigaw ko. Ngumiti na lang ako para mag mukhang walang nangyari. Ngunit hindi nagbabago ang tingin niya. Kaya, minabuti kong tanungin na lang siya, upang mawala ang kaniyang pangamba. Umisip ako ng pupwedeng itanong. Tanging naisip ko lang ay si Aling Martha.
“Aling Nene,”
“Ano iyon?”
Mukha namang wala siyang napansin. Kalmado lang siya. Hindi niya narinig ang mga sigaw ko.
“Alam niyo ho ba ang nangyari kay Aling Martha?”
Tinignan ako ng nagtataka ni Aling Nene. “Sinong Aling Martha?”
Nagtaka rin ako. “Yung baliw ho sa may sementeryo?”
Tumawa ang matanda. “Ah. Iyon. Nakikilala ko na, baka Aling Maria ang gusto mong sabihin.”
Huminto ang buong mundo ko. “Ano ho? Paki-ulit nga ho ang sinabi ninyo?”
“Aling Maria kako pangalan noong baliw sa may sementeryo.”
Hindi ako makapaniwala. “Ano ho?! Hindi po ba Aling Martha pangalan niya?”
“Hindi. Iyan yatang tinutukoy mo eh, yung tiga kabilang bayan. Matagal na iyong patay.”
Matagal ng patay. Matagal ng patay.
Naalala ko na. Kaya nawala iyong si Aling Martha ay dahil natagpuan siyang patay isang araw noon. Nabasa ko nga pala iyon sa diyaryo.
“Ganoon po ba.” Natahimik ako. “Eh alam ninyo po ba kung saan nanggaling at bakit nabaliw iyong si Aling Maria.”
Nang sumagot si Aling Nene. Agad akong umuwi.
Dumiretso ako sa kainan. Kumuha ako ng pandesal. Lumabas ako ng bahay at nagsisitakbo papuntang sementeryo. Naintindihan ko na ang lahat. Sinabi ni Aling Nene ang buong katotohanan. Hingal na hingal ako pagdating sa sementeryo.
Sabi ng matanda sa akin, dati raw siyang nakatira sa kalapit na bayan. Noong di pa raw siya gaanong matanda, ay may dumating na babae doon na kay ganda ganda. Nagtataglay daw ang babae ng magagandang mga mata. Kasama raw ng babae ang kaniyang mister. Noong una raw, masayang nagsasama ang dalawa. Ngunit, isang araw bigla raw silang nagkasamaan ng loob. May nabanggit daw ang babae sa kaniyang asawa na isang lalaki, na nakatira raw sa isang talahiban sa isa pang kalapit na bayan. Nagalit ang lalake sa kaniyang kinakasama. Nalaman nitong, kaya raw doon pinilit ng babae na sila’y tumira, dahil daw gusto niyang makita muli, ang lalaki sa kabilang bayan na naghihintay daw sa kaniya noon pa. Dahil doon ay ikinulong daw ng mister ang kawawang babae. Tuwing umuuwi daw ang lalaki, binubugbog niya ang kaniyang asawa o kaya nama’y pinagsasamantalahan. Lagi raw naririnig ni Aling Nene’ng umiiyak ang babae. Ngunit wala siyang nagawa.
Isang araw, umuwi raw ang lalaki na lango sa alak. Ginulpi niya ang kaniyang asawa. Nagsisigaw ang babae na tila nakawala raw sa kaniyang tanikala. Nagkagulo raw sa loob ng bahay. Maya-maya raw biglang sinunog ng lalaki ang bahay. Tumakbo raw ang lalaki na may hiwa sa pisngi, na iyong babae raw ang may gawa. Naiwan ang babae sa loob ng bahay kasama ng kaniyang mga anak. Buti na lang daw bago tuluyang masunog ang babae ay nailigtas ito, ngunit namatay sa sunog ang kaniyang mga anak. Nang gumaling daw ang babae ay nabaliw na ito at nawala sa kanilang bayan. Ngayon daw ay may bago ng nakatirang pamilya sa dating tinirhan ng mag-asawa.
Pagdating ko sa sementeryo, doon ko nakita si Aling Maria, ang magandang babaeng tinutukoy ni Aling Nene. Nakatalikod ang babae at may suot na korona, na tila rumarampa at kumakaway. Nilapitan ko siya at tinawag. Tumingin siya sa akin. Sa unang pagkakataon, nakita ko ang mukha niya, sunog, puno ng peklat, at halatang maraming pinagdaanang hirap. Kung iyon lang ang titignan, hindi mo na siya makikilala. Pero hindi, nakatingin ako sa mga mata niya. Ang mga mata niyang walang pinagbago. Maganda, mahiwaga, at mapang-akit. Nginitian ko siya. Makalipas ang mahabang panahon.
“Agatha,” Binigay ko sa kaniya ang pandesal. “Nakita na rin kita…”
Ang buhay nga naman daw ay parang bata, minsan masaya, minsan malungkot, minsan masungit, pero kadalasan ay mapaglaro.