Pauwi na ako noon at nakasakay sa dyip. Iyon ang unang pagkakataon na nakita ko si Beatrice. Siya ay 16 taong gulang. Iyon ang nakasulat sa papel na hawak niya. Ako rin ay 16 noon.
Di ko siya tinigilang pagmasdan, ubod kasi siya ng ganda. Nang mapatingin siya sa akin, tumigil ang mundo ko. Bigla kong naramdaman sa unang pagkakataon ang tinatawag nilang pag-ibig. Kinindatan niya ako at sumigaw siya ng “Para” sa nagmamaneho. Bumaba siya ng dyip at pumasok sa isang malaki at madilim na bangko. Tinitigan ko lamang siya habang lumalakad siya papalayo sa akin. Sabi ng iba, ako raw ay makararamdam ng kuryente kapag natuto ng umibig. Ngunit nang kindatan niya ako, ako ay di nakuryente, sa halip, ako ay nakidlatan.
Nang sumunod na araw, sumakay ako ng dyip tulad ng oras ng pagsakay ko nang makasabay ko si Beatrice. Inasahan kong magkakasabay ulit kami. Ngunit hindi. Ako ay binalot ng kalungkutan nang makauwi. Buong gabi ko siyang inisip noon.
Si Beatrice kasi ang tipo kong babae. Mahahaba ang maiitim niyang buhok, makinis ang singputi ng mga ulap na balat, maganda at kaaya-aya ang hulma ng katawan at nagtataglay ng mga mapupungaw at tila mahiwagang mga mata. Matagal ko ng ginusto na magkaroon ng kasintahang katulad niya. 16 ako noon at sumisibol sa akin ang aking pagkabinata. Wala akong ibang hinangad noon kundi magkatuluyan kami. Sa katunayan, noong nakita ko siya, iyon ang unang beses na nahumaling at nagnasa ako sa isang babae.
Nagkaroon din naman ako ng mga kasintahan noon. Ang pinaka una ay si Lualhati. Siya ay 18 na taong gulang. Isa siyang konserbatibong babae at mahinhin. Nakilala ko siya nang magkatabi kami sa isang klase. Sa saglit na panahon lamang ng pag-uusap at pagkikita namin, naging magkasintahan kami. Kaya naman hindi rin kami nagtagal. Siya kasi ay isang panatiko sa mga aral ng bibliya. Naniniwala kasi siya na walang papantay at hihigit sa kapangyarihan at pagmamahal ng Diyos.
“Kung talagang makapangyarihan ang Diyos, hindi ba nakikita niya at nalalaman ang lahat ng mga nangyayari sa ating mga tao?” tanong ko sa kaniya noon.
“Aba oo naman!” sagot niya.
“Edi kung nakikita Niya, bakit Niya hinahayaang masktan at malungkot ang mga tao kung gayon mahal na mahal Niya tayo?”
“May plano kasi sa atin ang Panginoon!”
“Edi bakit pa niya tayo paparusahan kung naka-plano na o nakatadhana na na gumawa tayo ng mali?”
“Kaya nga dapat tayo humingi ng tawad!”
“Eh kung ikaw ba ang Diyos, makakayanan mo bang makita ang mga taong nagdurusa sa mundo at sa impyerno? Talaga bang mananatili ka lamang nanonood sa mga nagdurusang mga tao?”
Hindi siya nakaimik.
“Kung may walang hanggan kang kapangyarihan hahayaan mo bang ganito ang mundo?”
Hindi pa rin siya umimik at naluha ng kaunti.
“At bakit ba ayaw mong halikan kita!?”
Mula noon hindi na kami nagkita. Hindi na rin ako naniwala sa Diyos.
Matapos nang magkahiwalay kami, o kahit pa noong may kasinatahan pa ako, lagi ko pa ring inaabangan noon si Beatrice sa dyip. Walang lumipas na araw na hindi ko siya hinanap. Sakto naman nang kami ay magkahiwalay ni Lualhati, nakita ko si Beatrice na sumakay ng dyip. Sinubukan ko siyang habulin ngunit di ko nagawa. Muli akong binalot ng kalungkutan.
Noong ako ay tumungtong sa edad na 22, doon ko naman nakilala si Gerona. Siya ay 24 na taong gulang. Kayumanggi ang kaniyang balat ngunit napaka mapanukso at mapang-akit ang kaniyang katawan, pati rin ang kaniyang ugali. Nakilala ko siya noong kaarawan ng matalik kong kaibigan. Nagkainuman kami noon at nagkamabutihan. Sabay kaming umuwi, at ng inihatid ko siya sa kanila, hinila niya ako sa damit at itinulak sa kaniyang kwarto. Sa kaniya ko nahanap ang hinahanap ko kay Lualhati. Naghubad siya at lumapit sa akin. Habang siya ay aking hinahalikan, aaminin kong si Beatrice ang aking iniisip. Naiisip ko ang magagandang mata niya habang tinititigan ko ang mga mata ni Gerona, ang katawan niya at makinis na balat habang hinahaplos ko ang kay Gerona, at ang malahardin ng rosas na samyo niya nang amuyin ko si Gerona. Tila ba ibang babae ang kasama ko nang gabing iyon. Sana si Beatrice na lamang siya.
Matapos ang gabing iyon ninais kong makipag kita muli kay Gerona. Ngunit nang dalawin ko siya sa kanila, nakarinig ako ng mga kalampag at hiyawan sa loob ng kaniyang bahay. Inilapat ko ang tenga ko sa pader at pinakinggan kung anong milagro ang nagaganap sa loob. Maya-maya’y lumabas ang isang lalaki na tila puno ng galit. May kalmot siya sa mukha at may dugo ang kamao. Mula noon hindi na ako bumalik doon.
Isang gabi, kasama ko ang aking mga katrabaho upang mag-inuman. Nagtatawanan kami nang biglang huminto ang sinasakyan namin dahil sa dyip na biglang pumreno sa aming harapan. Minura ng mga kasama ko ang dyip sa na huminto. Pero napansin ko namang huminto kami sa harapan ng malaking bangko. Inunahan ng aming sasakyan ang nakahintong dyip. At, habang kami ay lumiliko sa kabilang linya ng kalsada, nakita ko siya, si Beatrice, na bumaba mula sa dyip at lumakad sa kadiliman ng kalye, patungo sa malaki at madilim na bangko kung saan nakita ko siyang dati. Tumigil ang mundo ko nang masulyapan siya. Nakakita ako ng isang anghel sa kadiliman.
Agad na napuno ng mga katanungan ang isipan ko noong gabing iyon. Kamusta na kaya siya ang naisip ko. Sa saglit lamang kasi na pagdampi ng mga mata ko sa kaniya, napansin kong di pa rin kumukupas ang kaniyang ganda. May asawa na kaya siya? May anak? May pagkakataon kayang nagkasama kami sa isang lugar na hindi ko lamang siya napansin? Kung kinausap ko kaya siya noon, ano na kayang nangyari sa amin? Naiisip kaya niya iyong araw na kinindadatan niya ako? Malabo. Naiisip niya kaya ang mga bagay na ginawa niya sa puso ko? Napaka labo. Malaman niya kayang mahal ko siya? Imposible.
Lumipas pa ang ilang taon, nagkaroon pa ako ng iba’t-ibang mga kasintahan. Nakalimutan ko na ang karamihan sa mga pangalan nila. Ang isa ay nagngangalang Stephanie, ang isa’y di ko maalala, ang isa naman ang apilido ay Pelayo. Naging maayos naman silang lahat sa akin, mabait, mapag-aruga at mapagmahal. Ngunit para sa akin, di pa sila sapat. Di ako makuntento. Di sila ang hinahanap kong babae. Ngunit sa di maipaliwanag na dahilan, sa tuwing nakikipaghiwalay ako, siya namang pagpapakita sa akin ni Beatrice sa di kalayuan. Sakay ng dyip. Patungo sa malaki at madilim na bangko.
Katulad ng lahat ng tumatanda, kinakailangan ko din namang magkaroon ng permanenteng kinakasama sa buhay. Si Merolyn ang naging asawa ko. Siya ay 28 na taong gulang. Masaya ako sa kaniya. Masarap siya magluto at lagi akong pinapasaya tuwing umuuwi ako sa gabi. Siya ang babaeng muntik-muntikan ng magpakalimot sa akin tungkol kay Beatrice. Ngunit simula lang iyon. Nang tumagal na kasi ang aming pagsasama, mga halos sampu o higit pang taon iyon, naging malamig na siya sa akin. Naiintindihan ko naman iyon sapagkat di kami mabiya-biyayaan ng anak. Lagi niyang sinusumbat sa akin iyon.
Isang araw nang ako ay umuwi, sinigaw-sigawan niya ako. Nalaman niya kasi ang tungkol sa amin ng aking sekretarya sa opisina.
“May pa-overtime overtime ka pang nalalaman! Kaya ka pala ginagabi palagi at kung minsan di umuuwi! Bakit ka ganiyan? Dahil ba hindi kita mabigyan ng anak?”
Umiyak siya at ako’y pinagpapalo. Sinabi niya sa akin na mahal na mahal niya raw ako at kung paano ko nagawa sa kaniya iyon matapos niyang ibigay ang lahat sa akin. Di ko kinayang makita siyang ganoong umiiyak, kaya niyakap ko siya at sinabing di ko na iyon uulitin. Ngunit nagpumiglas siya, kaya diniinan ko ang aking yakap, at sa aking isipan ay muling bumalik, kung ikaw lang sana si Beatrice, ang bulong ko sa sarili, di na sana ako naghahanap pa ng iba.
Naging maayos kami matapos ang gabing iyon. Tinigilan ko na ang pang bababae. Ngunit nang lumipas ang ilang buwan, siya naman ang hindi na umuuwi. Nalaman kong siya naman ang nakikipagkita sa kung sino-sinong lalaki.
Kaya, isang araw, nang umuwi siya ng gabi, habang ako ay lulong sa alak, ginulpi ko siya. Pinagsusuntok at pinagtatadiyakan ko siya hanggang siya ay humandusay sa sahig. Umiyak siya ng umiyak at nagmakaawa, ngunit wala akong pakielam. Dumugo na ang kaniyang ilong at bibig ngunit di ko siya tinigilan.
“Kung ikaw lang sana si beatrice!” sigaw ko sa kaawa-awa kong asawa. “Kung ikaw lang sana si Beatrice, di ko magagawang saktan ka! Ngunit hindi! NGUNIT HINDI! HINDI IKAW SI BEATRICE! HINDI IKAW SI BEATRICE! HINDI IKAW SI BEATRICE!”
At sa lakas na paghampas ko ng kamay sa kaniyang mukha, di na siya umiyak pa. Di na rin siya gumalaw, o kahit huminga man lang. Napuno ako ng takot at dali-daling tumakbo.
Napatay ko siya, napatay ko siya ang paulit-ulit kong binulong sa aking sarili. Tumakbo ako ng tumakbo sa kadiliman at umiyak. Sumakay ako agad sa unang dyip kong nakita. Habang nasa loob ng sasakiyan di ko napigilan ang pag buhos ng aking luha.
“Kung siya lamang si beatrice, di sana mangyayari ito. Kung sinabi ko lamang kay Beatrice ang nararamdaman ko noong nakita ko siya, di sana ganito…”
“Sinong Beatrice?”
Napuno ako ng takot. Di ko hinarap ang boses na nagtanong sa akin. Natakot ako sapagkat baka malaman niya ang ginawa ko. Ngunit makulit siya.
“Sinong Beatrice?” ang tanong niyang muli.
Dahan-dahan kong tinutok sa kaniya ang aking mga mata, pilit kong tinago sa kaniya ang aking mukha. Ngunit nang masulyapan ko kung sino ang nagtanong, tumigil ang mundo ko.
“Sinong Beatrice?” ang tanong sa akin ni Beatrice.
Di ako nakapag salita. Makalipas ang ilang taong pag-aabang sa dyip, ang ilang taong pangangarap na muli ko siyang makita, naroroon na siya, sa aking harapan, kaming dalawa lamang ang nasa dyip. Tinitigan ko lamang siya.
“Sinong Beatrice?” ang tanong niya muli.
Makalipas ang ilang taon, kamukha pa rin niya ang Beatrice na nakita ko noon. Saksakan pa rin siya ng ganda. Mahahaba pa rin ang maiitim niyang buhok, singputi pa rin siya ng mga ulap, ang katawan niya’y pang-dalaga pa rin, at mapupungaw pa rin ang kaniyang mga mata. Nang masilayan ko siya nakalimutan ko ang lahat ng aking problema. Nakalimutan ko na may napatay ako. Di pa rin ako nakapagsalita.
Mga ilang minuto rin kaming ganoon. Nakatitig lamang ako sa kaniya at siya naman ay nakatitig lamang din sa akin na tila nagtataka at natatakot.
“Osige,” sabi niya. “Kung di ka magsasalita iiwan na lamang kita rito.” Sumigaw siya ng “Para” sa nagmamaneho at bumaba siya ng dyip. Nakita kong naroon muli kami sa malaki at madilim na bangko kung saan siya bumaba noon.
“Siya nga pala,” sigaw niya sa akin mula sa labas ng dyip. “Kaya ko tinatanong kung sinong Beatrice ang tinutukoy mo, kasi ang pangalan ko ay Beatrice. Sige magandang gabi sa iyo!”
Umandar na ang dyip na sinasakyan ko. Pinagmasdan ko lamang siya habang siya ay naglalakad patungo sa bangko. Napansin kong naiwan niya sa dyip ang papel na hawak niya. Pinulot ko ito at nabasa na ang pangalan niya ay Beatrice. At, ayon sa papel, siya pa rin daw ay 16 na taong gulang. Agad kong pinahinto ang dyip. Tumakbo ako patungo sa malaki at madilim na bangko. Nakita ko siya na naroroon sa may pintuan ng gusali at nakatitig sa akin. Ngumiti siya at ako ay kinindatan.
Nilapitan ko siya noon at hinawakan ang kaniyang kamay. Ngumiti lamang siya sa akin tulad ng pag-ngiti niya sa aking mga panaginip. Marahil nanaginip lamang ako noon. Marahil hindi totoo ang lahat ng iyon. Marahil imahinasyon ko lamang si Beatrice mula nang umpisa. Ngunit, kahit tila nahihibang na ako, wala akong pakielam, sapagakat kasama ko na ang aking panaginip.
Sabi ng iba, makararamdam daw ang tao ng kakaibang kuryente sa katawan kapag natuto nang umibig. Ngunit nang ako ay kindatan ni Beatrice, uulitin kong muli, ako’y di nakuryente, sa halip, ako ay nakidlatan.
Sabay na kaming pumasok sa madilim at malaking bangko.
At mula noon, di na ako muling umibig pa ng iba.