Hapunan na naman para sa matabang batang si Ryan. Pauwi na siya galing sa pakikipaglaro at mistulang siga sa paghawi niya sa mga kaibigan. Dali-dali siyang pumasok ng bahay, ni hindi na naghubad ng sapatos at nagpalit ng pawis na damit, at umupo sa hapag kainan.
“Sabi sayong magpapalit ka muna bago kumain!” sabi ng kaniyang ina.
“Eh, Mommy, gutom na gutom na ako!” sagot ni Ryan.
“Bakit mo ba pinapagalitan anak mo? Yaan mo siyang kumain at nangangayayat na!” sumbat ng tatay sa kaniyang asawa.
Napayuko na lang ang babae at napangisi ang sutil na batang lalaki.
Umupo na ang mag-anak kasama ang ate ni Ryan na si Lovely. Ang tatay ay nasa dulo ng mesa at nasa kanan niya ang kaniyang asawa. Ang magkapatid naman ay magkaharap sa mesa. Kumain na sila.
“Aray ko!” hiyaw ni Ryan ng galit na galit.
“Oh, anak, anong nangyari sayo?” tanong ng kaniyang ina.
“Si Lovely sinipa ako!”
“Huh? Bakit naman kita sisipain? Baliw ka ba?” sagot ni lovely ng may kaunting ngiti sa mukha.
“Eh sinipa mo nga ako!”
Napangiti ng bahagya si Lovely.
“Daddy!” panghihingi ng tulong ni Ryan.
“Osige, tumahimik ka na lang Ryan at baka hindi naman sinasadiya ni Lovely yon. Kumain na tayo.” sabi ng kanilang ama.
Nagpatuloy na muli ang pamilyang kumain. Maya-maya ay sinipa na naman si Ryan.
“Aray! Ate naman!” sigaw ng batang lalaki.
“Lovely di ka ba titigil?” galit na tanong ng ina.
“Hindi nga ako yun, I swear!” sagot ni lovely ng buong puso.
“Aray!” napa hiyaw ulit ang matabang si Ryan.
Sabay-sabay nagtinginan ang pamilya sa ilalim ng mesa at wala namang nakita.
“Nag-iilusyon ka lang Ryan. Magtigil ka at huwag na kaming lokohin.” ang sagot ng kaniyang ama.
“Pero, Pa! Masakit nga!” pagalit na dugtong ng anak.
“Baka pinupulikat lang yang tuhod mo kalalaro. Bilisan mo na lang ang pagkain para makapagpahinga ka na.” payo ng ina.
Kumain na muli ang apat. Ngunit patuloy na sinipa ang tuhod ni Ryan; di siya nakakain ng maayos.
Kinaumagahan ay kakain na muli ang pamilya. Nanguna sa mesa ang mataba at matakaw na batang si Ryan. Sumunod ang kapamilya niya at naupo sa kinagawian nilang posisyon. Inilatag na ng ina ang mga hotdog at agad na tumusok si Ryan. Nang susubo na siya ay biglang may sumipa na naman sa tuhod niya. Inihagis niya ang hotdog sa kaniyang kapatid. Gumanti ito at hinagisan din siya ng hotdog pabalik. Inawat sila ng kanilang ina at galit na tumayo ang kanilang ama.
“Ano ba problema mong bata ka?!” galit na tanong nito kay Ryan.
“Si ate kasi sinipa na naman ako!” galit na sagot ng batang lalaki.
“Dad, nababaliw na si Ryan!” sumbat ni Lovely. “Bakit ko naman siya sisipain mula kahapon pa? Di naman ako katulad niya na mahilig manakit ng ibang bata!” dagdag pa nito.
“May katwiran si Lovely. Anak kapag hindi ka tumigil sa kaka-inarte mo ipadadala ka namin sa mental hospital.” ang pahayag ng ina.
Pilit na tinatago ni lovely ang kaniyang ngiti. Tinignan siya ni Ryan ngunit tumahimik na lang ito at tiniis ang mga sipa. Nagpatuloy ang ganoon ng ilan pang araw sa tuwing sila ay kakain; palihim na lumuluha si Ryan at palihim na ngumingisi si Lovely habang namamaga na ang tuhod ng matabang bata.
Isang araw ay umalis ang mga magulang ni Ryan kasama si Lovely at naiwan siyang mag-isa sa kanilang tahanan. Maghahapunan na noon at gutom na siya. Buti na lamang ay mga naiwang hotdog sa lamesa. Umupo siya sa pwesto niya at doon nagsimulang kumain.
“Ayos” ang bulong niya sa kaniyang sarili “Wala pa si Ate Lovely at makakakain na ako ng maayos!”
Kumain siya ng may ngiti sa mukha, sa wakas wala ng sumisipa sa kaniya. Nginuya at nilamon niya lahat ng gusto niyang kainin noong gabing iyon. Ang sarap sarap aniya.
Tumayo siya at kumuha ng baso ng tubig dahil siya ay nasamid. Bumalik siya sa mesa at umupo ng biglang…
“Aray ko po!” napahiyaw ang bata.
Tumapon ang tubig sa kaniyang kinakain; may sumipa na naman sa tuhod niya. Natakot siya sapagkat wala naman doon sa bahay ang kaniyang ate. Maya-maya ay may sumipa ulit ngunit mas masakit at nakapapaso na ang sipa.
“Putangna!” ang mura ng pitong taong gulang na bata.
Sinipa siya nang sinipa. Di nalalaman ng bata kung sino ang gumagawa. Umiyak na siya pagkat di na niya alam kung ano ang gagawin. Hinawakan niya ang tuhod niya at naramdaman niyang basa na ito ng dugo.
Nang biglang may humawak sa kamay niya.
Narinig niya ang nakakairitang tawa ng kaniyang ate. Nagalit siya at mabilis na yumuko sa ilalim ng mesa upang hulihin ang ate niyang nagtatago sa ilalim ng lamesa.
Pag-silip sa ilalim, bigla siyang napatigil. Napuno ng kilabot ang damdamin. Umurong ang kinain at masuka-suka sa takot.
Nakatitig siya sa isang maliit na pula at kalbong demonyo na nakangiti sa kaniya. Dumurugo ang mga mata nitong walang kulay at umuusok ang bungangang napapalibutan ng matatalas at napaka raming ngipin. Tumawa ito sa kaniya gamit ang boses ng kaniyang ate.
“Sige bata kumain ka lang,” ang wika nito. “Huwag kang maingay ha? Pag sinumbong mo ako sa nanay mo papatayin kitang baboy ka.” dagdag nito nang hindi nawawala ang ngiti sa mukha.
“Dito lang ako sa ilalim ng mesa ninyo habang buhay.” humalakhak ito ng napakalakas.
Nagpatuloy na lang sa pagkain ang matabang batang si Ryan habang umiiyak mag-isa sa kanilang tahanan.