Malamig at tahimik ang mahabang gabi.
Tok. Tok. Tok.
Ilang hakbang pa bago ang rurok ng hagdan.
“Ahhhhh…“
Huminto bago maabot ang ikalawang palapag ng gusali.
Ano itong aking naririnig?
“Ahhhh…”
Mayroon bang bumubulong? O nahihibang lamang ako?
“Ahhh… Ahhhh…”
Boses babae. Tawa.
Ganito na ba ako katigang?
“Sige pa Fabian! Bilisan mo pa!”
Tumingin sa silid na nasa gilid ng hagdan.
Yumayanig ang pinto. Kumakalampag ang kwarto.
Biglang nakaramdam ng malalim na kalungkutan.
Hmmm. Ganito ba talaga rito? Pag-uwi ko rin kagabi nagkakanaan na silang dalawa.
Kinuha ang susi sa bulsa. Binuksan ang pinto sa bagong nilipatang silid.
Malinis pa ang kwarto. Kalilipat lamang ng mga gamit noong isang araw. Lahat ng kagamitan ay nakasinop tulad ng nakasaad sa plano. Kumikintab ang sahig, ni katiting ng alikabok ay hindi makikita sa mga sulok ng sariwang silid.
Pag-pasok sa pintuan, mabilis na naghilamos at nagbihis. Maagang magpapahinga ngayong gabi sapagkat nakapapagod ang mag-araw. Ilang linggo nang hindi makatulog dahil sa dami ng gawain sa trabaho. Ngayon pa lamang makapagpapahinga ng mahimbing. Dahan-dahang humiga sa malambot na kama at pinatay ang natatanging lampara na nagbibigay liwanag sa silid.
Click.
Tik. Tik. Tik.
Na naman? Mula nang dumating ako rito, lagi na lang akong nakaririnig ng nalalaglag na kung ano mula sa kwarto sa itaas.
Tik. Tik. Tik.
Jolen? Bato? Mahirap sabihin kung ano. Pero maliit ito at tumatalbog ng bahagya. Bakit kaya sa tuwing ganitong oras ng gabi, may nalalaglag sa itaas?
Pumikit at pinilit na hindi na mag-isip ng kung ano-ano. Ngunit…
Tik. Tik. Tik.
Tinakpan ng unan ang mga tainga upang di na marinig ang naka-iistorbong tunog. Subalit ngayong gabi, mas dumami pa ang mga nalalaglag.
Tik. Tik. Tik.
Tik. Tik. Tik.
Lalong diniin ang unan sa mga tainga.
Tik. Tik. Tik.
Ngunit tumatagos ang nakaririnding ingay sa malambot na unan.
Pilit na pininid ang mga mata upang makatulog na, sapagkat mahaba-haba na naman ang araw kinabukasan. Unti-unting bumigat ang mga mata. Unti-unting humina ang mga tunog. Unti-unti nang nakatutulog. Unti-unti, unti-unti…
Tik. Tik. Tik.
Pinandilatan ng mata – namumula at napalilibutan ng mga maninipis na ugat na dinadaluyan ng nag-iinit na dugo. Hindi makatulog dahil sa mga bagay na nalalaglag.
Naiinis. Napupuno ng galit ang dibdib.
Bukas na bukas irereklamo ko ito sa landlady.
Binuksan ang lampara.
Click.
Bumunot ng libro. Sinubukan na lamang magbasa hanggang mag-umaga.
Nang biglang…
BAG!
May mabigat na bagay na nalaglag sa silid sa itaas. Nabiyak ng kaunti ang kisame at nahulog ang mga kapirasong pintura nito.
Dugdugdugdugdug!
Mabilis na humarap sa pintuan ng silid. Marahas na kumakalampag ang pader.
Dugdugdugdugdug!
Bigla itong huminto.
Kabadong-kabado. Kumakalabog ang dibdib. Kay lalim ng hininga at umaagos ang pawis.
Kreeeeee. Kreeeee.
Dahan-dahang umiikot ang hawakan ng pinto. Tila may papasok sa kwarto. Hindi na makahinga.
BAG!
Napatingala sa kisame. Lalong lumaki ang biyak nito. Konti na lamang at bibigay na ang silid sa itaas.
“Ahhhh… Ahhh… Sige pa!”
Malinaw na malinaw na naririnig ang haluyhoy ng kaligayahan ng babae sa katapat na silid.
“Lakasan mo pa… Bilisan mo! Ahhhh.. Ahh.. AHHH!”
TIK. TIK. TIK.
Dugdugdugdugdugdug!
Walang humpay ang kalabog at kalampag ng mga pader.
Tinakpan ang tainga, pumikit at sumigaw.
AHHHHHHHH!
Sumigaw ng sumigaw.
AHHHHH! AHHHH! TIGILAN NIYO NA! TAMA NA!
Ngunit hindi tumigil ang ingay. Kung ano-ano na ang naririnig.
“Ibaon mo pa! Laliman mo pa! Ayan sige… ISAKSAK MO.”
TIKTIKTIKTIKTIK
Namamaga na ang mga tainga dala ng mahigpit na pagkakapinid. Hindi na alam ang gagawin. Pulang-pula na ang mga mata dahil sa pagod. Tumatagaktak na ang pawis. Nag-ngangalit na ang mga ngipin. Ngunit kahit na anong uri ng pagtakip, mayroong tunog na patuloy na tumatagos. Tunog na kinatatakutan mula nang bata pa.
Mga baboy… Mga iyak ng ilang daang kinakatay na biik ang patuloy na gumagambala sa tainga.
Oink. Oink. Oink. Oink. KRRROOOOINK!
AHHHHHHH!
Tumakbo papalabas ng silid. Tumigil ang ingay. Sumuka. Sinuka ang lahat ng kinain sa maghapon. Pinunasan ang nangangasim na labi. Tumingala. Inisip ang kwarto na nasa itaas ng tinutuluyan na silid.
TIK. TIK. TIK.
Dahan-dahang umakyat sa ikatlong palapag ng gusali. Bawat hakbang ay mabigat. Unti-unting lumapit sa silid kung saan nagmumula ang ingay, kung saan nalalaglag ang kung anuman.
Sa wakas at malalaman na kung ano ito.
Hinawakan ang pinto. Hindi ito nakasara. Pinihit ang hawakan.
Kreeeeee. Kreeeee.
Dahan-dahang tinulak ang pinto.
Nanlaki ang mga mata.
Hindi maipaliwanag ang nakikita.
Hindi nagawang makapagsalita.
At sa mga gabing lumipas, sa mga gabing nagdaan, hanggang sa huling gabi ng kasaysayan, isang tunog ang patuloy na umalingawngaw sa isipan…
Tik. Tik. Tik.