Kulang ang Bente Kwatro Oras

 

Kulang ang Bente Kwatro oras para sa Bente Kwatro Anyos

Parang nagsisimula pa lang yung araw, pero bakit bigla na agad natatapos?

Minsan pakiramdam ko tayo’y mga bangkang papel na tinatangay lang ng agos ng mga sandali

Kung pwede lang sanang dagdagan yung digits ng orasan.

Kung pwede lang sabihin sa anito ng tadhana na “Wait lang! Relax ka lang, beh”

Kasi kulang na kulang ang isang araw upang pag sabay-sabayin ang

pag-babanat ng buto, pagtutuklas ng mga hilig, at pakikipag-patintero kay kupido.

Kasi sa mundong to, paano nga ba natin hahatiin ang sarili natin?

Naghahanap tayo ng ibat ibang strategy, productivity hacks, para pigain yung natitirang dalawang minuto sa orasan.

Pero sa halip na magdagdag pa tayo ng kung ano-ano, hindi kaya ang magandang solusyon ay ang magbawas?

Bawasan ang mga bagay na di naman talaga mahalaga.

Tanggalin yung mga bagay na di naman nagbibigay satin ng ligaya.

Hayaan ang sarili na magbagal at huminga

At baka sakaling ma-realize natin na ang kakayahan pala ng tao ay may sukdulan din.

At okay lang na mapag-iwanan sa mundong naka fast-forward

Okay lang na tumingala, mag-muni, at mag-masid sa ikot ng daigdig

Pagkat mabilis lumipas ang mga bagay na mahalaga satin

at sa pawang pag-babagal lang din naman tayo

nagkakaroon ng pagkakataong pagmasdan

ang mga bagay na tunay na may halaga.

Yno Andrei Calamiong
Yno Andrei Calamiong

Just trying to build Businesses, Technologies, and Good Stories.