Isang umaga, dumating ka na lamang bigla—sa aking buhay, sa aming tindahan. Maliit ka pa noon; matataba pa ang mga pisngi at puno ng sigla ang munting mga mata.
“Ale, ale,” sambit mo, “Pabili ng tsokoleyt!”
Binati ka ng nanay kong tindera at tinanong ang pangalan mo. Jun po ang magiliw mong sagot.
Bago ka lamang sa aming lugar kaya di pa kita nakikilala. Naroon lamang ako sa gilid ni inay at nag-aayos ng mga paninda.
Sumulyap ako; sumulyap ka—sa akin.
Biglang umasim ang iyong mukha nang makita mo ang libreng sticker na laman ng tsokolateng binili mo ay isang puso. Ayaw mo ng puso sapagkat ang hinahanap mong sticker ay larawan ng isang robot.
Tumingin ka sa akin at tiningnan kita. Kumislap ang iyong mga mata.
“Sayo na yan,” sambit mo nang idikit mo sa likod ng palad ko ang sticker na puso.
Matapos ay ngumiti kang puno ng tsokolate ang mga ngipin bago mo kami nilisan ni inay.
Pinagmasdan ko ang maliit kong palad. Sa sandaling iyon, may naramdaman akong kakaiba na noon ko lang naramdaman. Akala mo sticker lamang ang iniwan mo sa akin.
Mali ka. Higit pa sa larawan ng puso ang iniwan mo.
Di mo man nakita, pero ngumiti rin ako noon; ngumiti ako sa’yo.
Lumipas ang ‘di mabilang na mga araw. Ikaw ang batang palaging bumibili ng tsokolate. Lagi kitang hinihintay na bumili. Nais ko sanang makipaglaro sa’yo ngunit nanay ko lang ang iyong nakakausap.
At patuloy pang lumipas nang lumipas ang panahon kasabay ang pagbabago ng ating katawan.
Tumangkad ka at lumapad ang mga balikat mo. Lumaki naman ang aking dibdib at lumapad ang baywang. Sa tuwing nakikita kitang bumibili sa tindahan, ‘di ko mapigilang pagmasdan ang kumikinang mong mga mata lalo na sa tuwing ikaw ay ngumingiti. Wala akong magawa kundi matunaw sa mga munting sulyap mo, sa mga sandaling naglilihis ang ating mga paningin. Habang tumatagal ay dahan-dahan akong nalunod sa lalim ng iyong malalim at malambing na tinig tuwing mayroon kang binibili sa amin.
Nalunod ako. Marahil nahulog. Nahulog sa iyo.
Ngunit sa mga panahong hinayaan lang nating maanod ng kapalaran, hindi tayo nag-usap.
Nahihiya akong kausapin ka. Nahihiya ako hindi dahil sa hindi kita gusto, ngunit dahil masyado kitang ginugusto.
Subalit isang umaga, dumating ka na lang bigla — sa aking buhay, sa aming tindahan.
“Ale, ale,” sambit mo, “Pwede bang magpaload?”
Nagulat ang maamo mong mukha nang ako ang makita at hindi si inay. Namula ang mapuputi mong pisngi dahil sa hiya. Nagpaumanhin ka at tinawag akong ate. Sa unang pagkakataon, nakausap kita. Kinabahan ako. Pilit kong tinago ang lukso ng kaligayahang naramdaman, dahil baka kung ano ang isipin mo sakin.
Mabilis kong naipadala sa iyo ang load na hiningi mo. Matapos kang magbayad at magpasalamat sa akin, nginitian mo ulit ako at dali-daling umalis; maligayang nagpadala ng mensahe sa kung sino mang nasa kabilang dulo ng linya ng iyong telepono.
Di mo tuloy nakita, ngumiti rin ako noon; nginitian din kita.
At lumipas nang lumipas nang lumipas ang panahon. Ang ating mga mundo ay nagbago.
Nakikita na kitang dumaraan sa tapat ng tindahang may kahawak ang mga kamay. Samantalang ako ay taimtim na naghihintay sa mga sandaling bumibili ka sa amin; sa mga mabibilis na sandaling nagkakalapit ang ating malayong daigdig.
Minsan pa nga ay nakikita kitang umiiyak tuwing nag-aaway kayo ng iyong mga nagiging kasintahan. Hindi mo lang alam kung gaano kita gustong hagkan at patahanin. Gusto ko sanang sa akin ka na lamang lumapit at magkuwento ng iyong mga problema. Gusto ko sanang makatulong sa paghahanap ng solusyon sa iyong mga suliranin, upang hindi ka na umasa sa mga bote ng alak na binibili mo sa aming tindahan.
Napupuno na lamang ako ng galak sa tuwing makikita kitang maligayang muli, kasama ang mga kaibigan mo, kasama ang iyong mga nagiging nobya. Masaya ako dahil kahit hindi kita natutulungan, nagagawa mo pa ring makahanap ng paraan para maging maligaya; kahit na wala ako.
Hanggang sa patuloy pang lumipas nang lumipas nang lumipas ang mga mahahabang panahon.
Hindi na kita nakikitang bumibili sa tindahan. Ilang taon na ang nagdaan mula nang huli kitang makita. Marahil nakatira ka na sa malayong lugar. Marahil nakalimutan mo na ako. O malamang, hindi mo rin naman talaga ako naalala simula pa lang.
At sa unti-unting pag-ikot ng mga kamay ng orasan, unti-unting nagmaliw ang pag-asa kong magkakausap pa tayong muli—ang pag-asang masabi ko sa’yo ang matagal ko nang nararamdaman.
Ngunit isang umaga…
Isang umaga, dumating ka na lamang bigla — sa aking buhay, sa aming tindahan.
Malaki ka na. Ibang-iba na ang iyong itsura mula nang una kitang nasilayan. Noong nakita mo ako, ngumiti ka sa akin. Pagod man ang iyong mga mata noon, umuukit pa rin sa aking damdamin ang iyong mga ngiti.
“Ate,” sambit mo, “Ikaw pa ba yung anak ni Aleng Nene?”
Tumango ako.
“Buti nandito ka pa rin?” tanong mo.
“Oo,” ang tanging nasabi ko.
At sa puntong iyon, binalot ng kaba ang aking dibdib. Ang matagal ko nang hinihintay—ang pagkakataong maamin ko sa iyo ang matagal nang nadarama ay abot-kamay ko na.
Ngunit huli na ang lahat.
Lumapit ang anak mo sa’yo at nagpabili ng tsokolate – iyong paborito mo at ang lagi mong binibili noon. Lumapit naman mula sa likuran ko ang panganay kong anak at inabutan ang anak mo ng hinihingi nito.
Nagtinginan lang tayong dalawa.
Ngumiti ka sa akin. Mabilis kang nagbayad at magalang na nagpasalamat bago tuluyang nilisan ang munti naming tindahan kasama ang iyong anak.
Mula noon, hindi na kita nakita pang muli.
Mula noon, hindi ko na naipakita sa iyo kung paano mo ako napangiti. Kung paano ako napangiti ng maliit na larawan ng puso na iniwan mo sa akin.
Oo, di mo man nakita, ngunit ngumiti ako noon; ngumiti ako sayo.