Ilang iyak din ang nakalipas at sa wakas mahimbing nang nakahilata ang mag-asawang si Jose at Maria. Laking pasasalamat ng dalawa nang tuluyan ng tumahan ang kanilang bagong panganak na nasa kabilang silid. Ngunit lingid sa kanilang kaalaman ay hindi nag-iisa sa pagtulog ang kanilang minumutya.
Sa madilim na silid, sa oras kung kailan nag-iisa ang mga kamay ng orasan sa pagturo ng hatinggabi, isang mahinang bulong ang pilit na pumapasok sa tenga ng sanggol.
“Hoy bata.”
Ito ang paulit-ulit na binubulong sa musmos.
“Kakainin kita bata,”gumagaralgal na bulong ng boses.
Hindi matinag-tinag sa pagtulog ang sanggol.
“Para ka namang ‘di marunong magpapansin,” sumbat ng isang panibagong boses na may mas malalim natinig.
“Pasensya na, Hayden,” mahinang tugon ng unang boses.“Baguhan lang ako.”
“Wala kang kwenta!” Malalim na sagot ni Hayden.“Tumabi ka nga at ako na ang gagawa.”
Hinawi ni Hayden ang kausap niyang nahihiya at nakayukyok lamang sa gilid ng sanggol habang nagkakamot ng ulo.
Marahang lumapit si Hayden sa sanggol. Humigop siya ng hindi isa, hindi dalawa, kundi tatlong malalaking hininga. Inipon niya ang hangin sa rurok ng kaniyang baga at bigla siyang sumigaw.
“Gising na!”
Bahagyang yumanig ang munting higaan ng maliit na sanggol. Hinangin ang mga papel na nakalatag sa mesa sa madilim na silid. Gumewang nang kaunti ang mga litratong nakasabit sa dingding at nagliparan ang mga alikabok sa kisame.
Nagising bigla ang sanggol. Pagdilat, agad itong napatitig sa misteryosong nilalang sa kaniyang harapan. Ngumiti ang nilalang at ipinakita sa sanggol ang matatalas nitong ngipin, mahahabang sungay, dumurugong mata at balat na sing-pula ng siling labuyo.. Tumawa ang nakapangingilabot na nilalang nang pagkalakas-lakas gamit ang boses nitong sing-lalim ng karagatan.
Tuluyan nang umiyak ang sanggol. Sinabayan ng hagulgol nito ang ingay ng pagtawa ni Hayden.
“’Kita mo na kung papaano magpapansin?” Tinapik ni Hayden ang kasama niyang demonyohabang siya ay bumubungisngis.
Kumagat sa maiitim na labing bitak at yumakap sa sariling brasong sing-itim ng grasa ang demonyong nahihiya.
Marahan itong nagwika, “Natatakot kasi ako sa kanila, Hayden. Baka paslangin nila ako.”
Biglang bumukas ang pinto sa silid. Tumingin ang dalawang demonyo sa pintuan. Nanlaki sa takot ang mga mata ng isa habang ang isa naman ay napangiti dahil sa pagkasabik. Mabilis na nagtago ang demonyong natatakot sa ilalim ng mesa. Si Hayden naman ay tumayo lamang ng tuwid sa gilid ng sanggol.
Napatakbo sina Jose at maria sa silid ng kanilang anak ngunit hindi nila malaman ang dahilan ng pag-iyak nito matapos ang mahimbing na pagtulog. Sinigurado ng mag-asawa na bago patulugin ang anak, ginawa na nila ang lahat ng paraan sa daigdig upang makatulog ito ng matiwasay. Ngunit laking pagtataka nila kung bakit tuwing alas dose ng gabi, umiiyak ito. Tila ba may bagay na nagpapaiyak dito ngunit hindi lamang nila nakikita.
Lumapit ang mag-asawa sa anak nilang walang tigil sa pag-iyak. Dinaanan lamang nila si Hayden at hindi pinansin. Binuhat ni Maria ang anak niya at pinasuso sa kaniyang dibdib.
“Tingnan mo, Lucero,” wika ni Hayden sa demonyong nagtatago sa ilalim ng mesa.“Paano ka nila papaslangin nang hindi ka nila nakikita?” Sabay turo niya sa mga taong kasama nila sa silid.
Dahan-dahang lumabas si Lucero. Hindi pantay ang maiiksi niyang sungay habangnakakunot ang kaniyang kulu-kulubot na noo. Hindi niya naiintindihan ang nangyayari. Hindi niya maipaliwanag kung papaanong hindi sila nakikita ng mag-asawa.
Naguguluhan siyang nagtanong, gumagaralgal ang tinig “Bakit hindi nila tayo nakikita?”
“Sapagkat mga isip sanggol lang ang nakakikita sa atin,” diretsong tugon ng pulang demonyong si Hayden.
Lalong naguluhan si Lucero. “At bakit naman ganoon?”
“Sapagkat ang utak ng matatanda ay balot na ng mas madidilim na bagay. Wala na silang panahon para sa ating mga demonyo. Di na nila tayo naiisip at pinapansin. Pinili nila tayong kalimutan kahit pa nakita nila tayong lahat noong sila’y mga musmos pa lamang.”
Natahimik si Lucero. Napahimas siya sa mahaba at nangingitim niyang balbas. “Kung kaya ang mga inosenteng isipan lamang ang nakapapansin sa atin?”
Tumango lamang si Hayden habang magalak na pinanonood kung paanong naghihikahos sa pagpapatahan ng bata ang mag-asawa. Sa mga ganitong sandali lamang nakararamdam ng kaligayahan si Hayden at ang iba pang mga demonyo. Sa mga pagkakataong napapansin sila, sa mga mabibilis na iglap kung saan nasusulyapan sila ngmga inosenteng tao, sa mga sandaling naaalala nila na sila ay umiiral at hindi mga kathang-isip lamang.Ito ang dahilan ng kanilang buhay, ang simula’t dulo ng kanilang paghinga, ang tanging dahilan ng kanilang pag gising sa panibagong gabi.
Matapos ang maiksing diskurso, nagdesisyon ang mag-asawa na isama na lamang nila sa higaan ang kanilang anak upang madali itong patahanin kapag ito ay umiyak na naman. Naiwan ang dalawang demonyo sa madilim na silid.
“Nakalulungkot naman pala ang buhay natin, Hayden,” garalgal na wikani Lucero. “Minsan na nga lang tayo makakita ng kapwa demonyo, kakaunti pa ang nakapapansin sa atin. Ayaw ko na maging mag-isa.”
Tumawa si Hayden habang umuusok ang ilong. “Hindi lang naman mga sanggol ang may inosenteng pag-iisip.”
Napangiti si Lucero. “Sino pa ang iba?” Magiliw na tanong ng pangit at maitim na demonyo.
“Tara, sumama ka sa akin.”
Binuka ng dalawa ang kanilang malalaking pakpak. Tinangay ng mahinang hangin ang ilan sa maiitim na balahibo at tila matatalas na pluma, sa pakpak Lucero. Lumiyab naman na parang kawayang ginagatong ang mga kalansay na pakpak ni Hayden. Lumipad ang dalawa palabas ng bahay at pumunta sa isang marungis nakanto na marami pa ring taong gising kahit pa gabi na. Hindi magkamayaw ang mga tao habang nakapila sa tapat ng mga tindahan, pamilihan, at karinderya na nakahilera sa gilid ng kalsada.
“Anong ginagawa natin dito? Hindi naman nila tayo nakikita” tanong ni Lucero.
Itinuro ng matutulis na kuko ni Hayden ang isang lalaking madungis, payat, at gula-gulanit ang damit. Nakaratay ito malapit sa poste ng kuryente. Lumapit siya sa lalaki at ginulat ito.
“Boo!” Sambit ni Hayden nang nakangiti, sabay buga ng mainit na usok sa mukha ng pulubi.
Nanlaki ang mga mata ng lalaki habang nakatitig sa matatalas na ngipin, mahahabang sungay, dumurugong mata, at katawan ni Hayden na sing-pula ng siling labuyo.Nagsumigaw ang lalaki at nagpumiglas.
Humalakhak si Hayden habang umuusok ang kaniyang bunganga. Lalong tumindi ang silakbo ng apoy sa kaniyang mga pakpak.
“Tulong! Tulungan niyo ako! Naririto na naman si Satanas!” pagmamakaawa ng lalaki sa mga taong nakapaligid sa kaniya. Namangha si Lucero.Napansin niyang walang kahit sinongnakakikita sa kanila ni Hayden maliban sa pulubi.
Nagtawanan ang mga tao sa paligid.
Biglang nagtaka si Lucero.
“Tinamaan na naman ng topak iyang baliw na iyan,” sigaw ng isang lalaki sa paligid.
“Paalisin niyo nga iyan dito! Gabing gabi nag-iingay na naman!” dagdag ng isang ale.
“Lumayas ka nga rito baliw!”
“Baliw!”
Ngunit hindi sila naririnig ng pulubi, sapagkat tanging takot lamang ang kaniyang nadarama dahil sa demonyong umaapoy sa kaniyang harapan. Pilit siyang gumagapang palayo kay Hayden, ngunit dahan-dahan siyang sinusundan ng demonyo. Tumama ang likod ng pulubi sa upuan ng mga taong nag-iinuman. Pinagtatabuyan siya ng mga ito.
“Tara dito, Tatang,” nanggigigil na wika ni Hayden. “Huwag kang mahiya sa akin.”
Humiyaw ng sobrang lakas ang matandang pulubi. Tumayo siya at mabilis na inagaw ang mga inuming alak at malalamig na yelo ng mga kalalakihang nag-iinuman. Isinaboy niya ang mga ito sa lumiliyab na katawan ni Hayden, upang mapuksa ang apoy. Ngunit kahit na anong gawin niya, walang ginawa si Hayden kundi ang tumawa lamang.
Nagalit ang mga nag-iinuman sapagkat hindi naman nila nakikita si Hayden. Pinagtatadiyakan at binugbog nila ang kaawa-awang baliw na may kasamang galit at tuwa.
Sinubukan silang pigilan ni Lucero ngunit hindi siya pinapansin ng mga ito. Pinagmasdan niya ang baliw sa lapag habang ito ay ginugulpi. Nakatitig lamang ito sa kaniya habang umiiyak.
“Satanas layuan mo ako…” bulong nito.
“Aba’y nagsasalita ka pa!” sigaw ng isang lalaking walang awang sumisipa sa matandang baliw.
Tumawa lamang ang mga taong nakatambay sa paligid namasayang nanonood sa kaguluhan.
Iniwan ni Lucero ang ginugulping baliw at lumapit siya kay Hayden. Wala siyang nagawa kundi maawa na lamang sa pulubi.
Nagugulumihanan siyang nagtanong gamit ang boses niyang garalgal.”Bakit nila ginagawa iyon sa kaniya? Akala ko ba inosente siya na maitutulad sa isang sanggol? Hindi ba dapat pinapatahan din siya ng mga magulang niya?”
Tinawanan lamang siya ni Hayden. “Kung alam mo lang Lucero, ang isipan ng tao ay may kapangyarihang maging mas malagim pa kaysa sa pinakamasahol na demonyo. Kaya huwag ka nang magtataka kung ‘di nila tayo makita.”
Hindi matanggap ni Lucero ang mga sinabi ng kasama niyang demonyo. Ngunit nang marinig niya ang mga salitang binitawan ni Hayden, napagtanto na niya ang katotohanan. Naunawaan na niya ang malungkot na lugar niya sa daigdig. Naintindihan niya na kahit ano paman ang gawin niya, balang araw ay makalilimutan din siya ng lahat ng mga bata at sanggol na tatakutin niya. Lahat ng mga ito ay tatanda rin. Lahat ng mga munti at inosenenteng isip ay kinalaunan babalutin ng mga bagay na mas malagim pa kaysa sa kaniya. Kapag nangyari iyon, siya ay maiiwan mag-isa; siya ay maglalaho na lamang kung saan iniiwan at tinatapon ang mga bagay na kathang-isip.
Nabuo ang kaniyang loob. Nakaramdam siya ng matinding init sa dibdib na noon niya lamang naramdaman.Alam na niya kung ano talaga ang dapat niyang gawin.
“Hayden,”wikang malalim, sing-lalim ng karagatan na boses ni Lucero.Wala na ang garalgal sa kaniyang tinig.
“Ano iyon, Lucero?” nakangiting tugon ni Hayden.
“Wala na tayong oras na pwede pang sayangin,” sagot ni Lucero habang unti-unting humahaba ang kaniyang sungay. “Tatanda agad ang mga bata sa mundo at tayo ay maiiwan mag-isa.” Umusok ang kaniyang bibig at lumiyab ang kaniyang mga pakpak. “Oras na para manakot!”
Bumungisngis lamang si Hayden.Sabay nilang binuklat ang lumiliyab nilang mga pakpak.Lumipad sila sa himpapawid at tinawid ang liwanag ng buwan.Tinitigan ni Lucero ang mga tao sa kanilang ilalim, wala nang kahit kaunting bahid ng takot na nadarama para sa kanila.
“Mahaba-haba pa ang gabi,” bulong niya.